Nakatakas ang dalagitang ito sa kamay ng mga kidnapper at sinabi ang kalagayan ng ibang kasama, may pugot na ulo pa raw dito

Sa report ni Susan Enriquez sa GMA News “Balita Pilipinas” nitong Martes, sinabi ni “Anna,” hindi niya tunay na pangalan, na naglalakad siya sa San Francisco Bridge sa Southwoods sa Biñan noong Enero 19 dakong 1 p.m. nang mangyari ang insidente.

May itim na van daw ang sumusunod sa kaniya, nagulat nalang siya nang bigla itong huminto sa tabi niya. May lalaking bumaba na may hawak na kutsilyo, at pilit siyang pinasok sa sasakyan.

Nakita raw niya ang iba pang mga bata na may mga sugat sa loob ng sasakyan.

“Lima po sila. Ang apat pong babae ‘yung isa po pugot ang ulo. Tapos ‘yung tatlo po may mga laslas po sila kahit saang bahagi ng katawan. Tapos may isa pong batang lalaki, bata pa po ‘yon nandoon siya sa dulong dulo,” sabi ng dalagita.

Ayon kay Anna, nakakuha siya ng tiyempo na mabuksan ang pinto at makatalon sa sasakyan. Nagpagulong-gulong siya sa matarik na gilid ng highway hanggang sa nawalan ng malay.

Nagtamo naman ng pinsala sa balakang at paa ang biktima.

Bago ang nangyari kay Anna, may iba pang insidente ng tangkang pagdukot sa mga estudyante ang naitala sa Barangay San Francisco sa Biñan, Laguna.

Noong Enero 18, nilapitan din umano at puwersahang isinasama ng mga salarin ang 10-anyos na si alyas “Jane,” sa harap mismo ng San Francisco Elementary School.

“Nakita ko na po ‘yung lalaking patingin-tingin po sa akin tapos noong malapit na po ako sa lalaki, bigla po hinawakan ako sa braso, sabi niya daw po iuuwi daw po kami sa bahay namin,” kuwento ng bata.

Papasok naman na sana sa eskwelahan ang 15-anyos na si alyas “Ella” noong Enero 15, nang bigla siyang harangin ng isang lalaki at tinangka siyang dukutin.

Inilarawan ng biktima ang lalaki na malaki ang pangangatawan at mabalbon ang kamay.

Sa kabutihang palad, may nakakita noong mga oras na iyon sa tangkang pagdukot kaya hindi ito natuloy.

Dahil dito, hindi maiwasan na mangamba ang mga magulang.

“Parang natutuliro po ako, hindi ko po malaman kung paano na kung makuha ‘yung anak ko,” sabi ng ama ni Jane.

“Nu’ng nakita ko na okay na, may pilay paa niya saka punit punit po damit niya. Sa likod punit punit po. Dinala sa barangay ng mga teacher,” sabi ng lola ni Anna.

Pinayuhan ng paaralan ang mga estudyante na iwasang dumaan sa mga eskinita lalo na sa mga lugar na walang makakakita sa kanila. Makabubuti rin umano kung ihahatid at susunduan ng mga magulang ang kanilang mga anak.

Hinala ng mga opisyal ng barangay, malaking sindikato ang nasa likod ng mga pandurukot.

“Tatlong beses sa buwan ng January 2018. Ang nagiging expectation po namin ay siguro baka ibebenta yung mga laman-loob,” sabi ni Manong Catalon, Barangay Chairman ng Barangay San Francisco.

Naglagay na ang barangay ng CCTV sa mga eskinita para mabantayan ang bawat sulok, at humingi na rin sila ng tulong sa Biñan Police na nagsasagawa na rin ng masusing imbestigasyon.

Sabi ni SPO2 Liza Lorena: “Humihingi kami ng tulong sa mga mamamayan ng Biñan, sana ay patuloy nilang suportahan ang PNP at kung meron mang insidente na nagyayaring ganu’n ay makipatulungan po sila sa amin,”

Panuorin ang video sa ibaba:

What can you say about this?
Share your thoughts in the comments box! Don’t forget to like Philippine VIral on Facebook for more news and updates!

Source: GMA news
Comments